Biyernes, Enero 13, 2017

Pagtanggap ng Bisita sa Aprika

                         

                  Ang Aprika ang ikalawang pinakamalaking kontinente sa buong mundo at isa sa pinakamayaman pagdating sa kultura at mga tradisyon. Sa katunayan, ang Aprika ang pinaniniwalaang 'tahanan ng sangkatauhan' dahil dito pinaniniwalaang unang lumitaw ang mga 'homo sapiens'. Bagama't salat sa pangekonomikong kaunlaran ay mayaman sa magagandang kaugalian ang kontinenteng ito. Isa sa mga kaugaliang ipinagmamalaki ng mga Aprikano ay ang kanilang hospitalidad at mahusay na pageestima sa bisita. Paano ko nasabi ito gayong hindi pa ako nakararating sa Aprika? Simple lamang, nakapagtrabaho ang aking ama sa isang malaking electrical company sa Algeria at nagkaroon din ang aming pamilya ng mga kaibigang Nigerian.


                   Ayon sa aking ama, ang mga Aprikano ay likas na masayahin at palakaibigan. Kahit hindi ka pa nila gaanong kilala ay mainit ka nilang tatanggapin sa kanilang mga tahanan basta't nakagaanan ka nila ng loob. Tulad rin nating mga Pilipino, pinaghahandaan ng mga Aprikano ang pagdating ng bisita sa kanilang tahanan. Madalas pa nga raw na mag-general cleaning ang may-ari ng bahay na tatanggap ng bisita kapag alam nila na mananatili ng ilang araw o matutulog sa kanila ang panauhin. Tinanong ko kay Ate Gen, ang kaibigan kong Nigerian, kung bakit nila ginagawa ito at sinabi niya sa akin na ito raw kasi ay ang paraan nila ng pagpapakitang bukas ang kanilang tahanan sa mga bisita at handa silang gawin ang buong makakaya upang maging komportable ang panauhin habang nananatili sa bahay nila. May paniniwala din raw sa Aprika na ang mga bisita ay nagdadala ng 'domestic felicity' o iyong kaligayahan sa tahanan.

                        Hindi rin pwedeng hindi paghandaan ng pagkain ang bisita sa Aprika. Sapagka't likas na mahilig sa pagkain, hindi pwedeng hindi marunong magluto ng iba't ibang putahe ang isang Aprikano mapababae man o lalaki. Kaya siguro maaasahan ng sinumang dayo na maraming masasarap na pagkain ang ihahain sa kanyang harapan kapag bibisita siya sa bahay ng isang kaibigang taga-Aprika.



             Katulad ninyo marahil, nagtaka rin ako noong una ko itong malaman. Sabi ko pa nga, 'Ha Daddy? Pero paano naman po sila maghahanda ng maraming foods ehh, famine na nga sa Africa!'. Ang paliwanag ng ama ko, 'overrated' daw ang mga litrato ng mga malnourished na bata na buto't balat na lang. Hindi naman daw ganoon kahirap sa Aprika at kung may mga lugar man na may kaso ngang ganoon, bihira na daw iyon. Ang sabi din ni Ate Gen, bagama't hindi siya naniniwalang kaugaliang maipagmamalaki ito, handa raw mangutang ang mga Aprikano para may maihandang espesyal na pagkain sa bisita. Totoo nga pala talagang pinaghahandaan nila ito!

                     Siyempre, kahit gaano kasarap ang pagkain at gaano kalinis ang isang bahay, importante pa rin na masarap kasama ang mga bibisitahin. Ang mga Aprikano ay may likas na 'sense of humor'. Bukod rito, masarap rin silang kasama, kausap at maging kaibigan. Katulad nga nang nakalagay sa akdang 'Isa Akong Aprikano', ang liping ito ay palaban sa buhay. Marami na silang pinagdaanan at masasabing may madilim na kasaysayan ang kanilang lahi na binihag at ginawang alipin kung saan-saan ngunit patuloy silang lumalaban sa mga dagok ng buhay. Salamat sa positibo at masiyahing ugali ng mga Aprikano, nalalampasan nila ang anumang pagsubok na dumarating. Kapag kasama mo nga sila, maiimpluwensiyahan ka na nang pagiging 'optimistic' ng mga taong ito. Lalo pa siguro, kung makakatuloy ka sa mga tahanan nila! Siguradong bubusugin ka nila sa kakatawa!

                    Nalaman ko rin na mahilig sa kantahan at sayawan ang mga Aprikano. Sabi pa nga ni Daddy, 'Naku! Kahit sino ang kasama nila, kapag nakarinig ng tugtog ang mga iyan, tiyak na sasayaw!'. Sinabi rin ni Ate Gen, 'Bagama't naimpluwensiyahan na ng Western Music ang aming tugtugan, I think nandoon pa rin iyong tunog Nigerian. Hindi nawawala iyon,'. Ayon sa kanila, bumisita ka sa tahanan ng isang Aprikano at siguradong mapapasubo ka sa kantahan!

                           Sa tingin ko, ang pinakamahalagang dahilan upang bisitahin ang isang tahanang Aprikano ay upang maintindihan natin sila; ang kanilang paniniwala, ang kanilang kaugalian at ang kanilang kultura. Maraming iba ang kanilang mga tradisyon kaysa atin, pero hindi maipagkakailang ang lipi nila ay nakakapukaw ng interes at para sa akin, ng admirasyon. Sabi nga ng Daddy ko, 'Mabubuti ang puso nila. Sa Algeria, ilang beses akong nagkasakit habang nagtatrabaho. Hindi ko kapwa Pilipino ang tumulong at nag-aruga sa akin, kundi mismong mga mabubuting Algeriano!'.

                           Marami na tayong narinig tungkol sa Aprika; may mga magaganda at marami rin ang hindi. Ang iba, pipintasan ang mga Aprikano na kesyo 'mabaho at amoy bawang'. Ang iba naman, kagaya ng ama ko, ay pupurihin ang kanilang kabaitan. Pinakamaganda siguro na tayo mismo ang tumuklas sa mga bagay ito. Iba-iba ang pananaw ng tao at iba-iba ang nagiging karanasan natin. Isa lang ang masisiguro ko, 'Kung igagalang natin ang ibang tao, ibabalik rin nila sa atin ito!'.









Walang komento:

Mag-post ng isang Komento